Category Archives: Tula sa Sariling Wika

Isang Pagtatapat

Standard

Tanggap ko na mahal ko
Hanggang dito na lang tayo
Subukin ko man na ako’y maging sa iyo
Alam kong kailan ma’y hindi ito magkakatotoo
Hindi dahil sa ako’y nag-iisip ng negatibo
Bagkus, sa pakiramdam ko’y hindi ako ang para sa iyo
Alam at ramdam ko na kahit pinaparamdam mong espesyal ako
May mga bagay na alam kong hindi ko kayang ibigay sa iyo
Madalas mahal ko, nais kong ako lamang ang gustuhin mo
Na ako ang pipiliin mo sa lahat ng mga nakilalala mo;
Na ako ang itatangi mo sa lahat ng mga kaibigan mo;
Na ako ang lang ang maging mundo mo.
Nakakatawa mang isipin ngunit ito ang laman at katotohanan ng puso ko.
Isang pangarap na sa hinaharap ay inaasam-asam ko.
Ikaw lang ang tanging nagparamdam nito.
Alam kong sa piling mo’y lalago ako.
Alam kong sa piling mo magiging totoo ako.
‘Pagkat alam kong ako’y tanggap mo nang buong-buo
Walang pag-iimbot at panloloko.
Sana nga’y ikaw na nga ang magpapatotoo
Sa mga pangarap na inaasam-asam ko.
Na sa Panginoon ay dalangin ko.
Sa bawat oras ng buhay ko.
Mahal ko, tanging hiling ko lang ay pareho tayo
Na sa mundong ito, ikaw na nga ang kahahantungan ko;
Na ang Poong Maykapal ang nagbigay sa iyo
Upang sa buhay ko’y maging kasanga at katototo
Maging katuwang sa habang buhay ko.

© Thy Hephzibah

AKO

Standard

bleeding_heart_x

Photo is from © Zindy S. D. Nielsen. Retrieved from http://zindy-zone.dk/html/drawings/fantasy/bleeding_heart.html

Bakit ka pa nagbalik sa buhay kong ito?
Kung sarili mo’y di pa rin buo at totoo?
Nais mo bang ako ang sa iyo’y magbuo?
Upang ang puso mo’y kailanman’y di na magdurugo?

Di man lang ba nasagi sa isipan mo?
Itong iyong ginagawa ay ikadudurog ko?
Di man lang ba nasagi sa isipan mo?
Ang iyong hangad ay pansariling kaligayahan mo?

Di ba mahalaga ang nararamdaman ko?
Na sa iyong pagbabalik ay paglalaruan mo ako?
Muling pupukawin at pag-aalabin ang damdamin ko?
Ngunit sa huli’y muli’y dagliang iiwanan mo?

O kay hangal naman ng puso ko
Na sa tuwina’y ikaw pa rin ang iniisip ko!
Naghahangad na pagdating ng tamang panahon
Ikaw’y magbabago at magpapakatotoo.

Iiwanan ang pansariling hangarin
Upang wagas na pagmamahal iyong matamo
Subalit ako’y tumatangis, nalulungkot para sa iyo.
‘Pagkat hanggang ngayo’y walang nagbago sa iyo.

Di ko na hinahangad na ako’y iyong paglaanan
Pagsinta mo noon na aking inaasam
‘Pagkat pagal na ang puso kong sa iyo’y maghintay pa rin —
Hintaying pagbabago’y makakamtam mo rin.

Kung dumating man ang takdang panahon na iyon
Alam kong wala na ako sa tabi mo
‘Pagkat ngayon pa lang kita’y nais ng pakawalan
Tuluyang limutin, palayain na ang puso ko.

Di dahil sa mahal kita, kundi dahil sapat na
Ang pagmamahal at pagmamalasakit sa iyo’y aking inilaan.
Sapat na ang damdaming sa iyo’y aking ibinahagi.
Sapat na ang mga salitang sa aki’y namutawi.

Ngayon, panahon naman na sarili ko ang aking mahalin.
Tama na muna ang iba ang aking paglaanan ng pansin.
Ito na ang panahon na buhay ko naman ang ayusin.
Upang pagdating mo buong ako’y maaalay ko sa iyo.

Ang bagong ako, may lamat ma’y alam mong iyong-iyo.
May lamat man, alam mong buo at totoo.
Kaya kang mahalin ng aking buong pagkatao.
At ang masasabi ko lamang sa iyo…

Mahal ko, salamat sa pagtanggap sa nasirang ako.
Mahal ko, salamat sa pagtanggap sa kasalukuyang ako.
Mahal ko, salamat sa pagtanggap sa magiging ako.
Mahal ko, salamat sa pagtanggap sa buong ako.

© Thy Hephzibah 2016